Monday, January 31, 2011

Reproductive Health Bill



Tinanguan kahapon, Enero 31, ng population committee ng House of Representatives ang Reproductive Health Bill na nangangahulugang puwede na itong pagdebatihan sa plenary.

Ano ba ang RH Bill?

Binibigyan ng RH Bill ng ayuda ang mga mag-asawa o nagsasama na makapagplano sa laki ng kanilang pamilya. Mahalaga ang pagpaplano ng pamilya dahil hindi lamang pagsasama ng may-asawa ang dapat planuhin kungdi maging ang bilang ng mga anak.

Tandaan nating malaking responsibilidad ang pagkakaroon ng anak. Hindi lamang pagkain, tirahan at kalusugan ang dapat paghandaan ng mga magulang kungdi maging ang pag-aaral ng mga bata.

Dahil dito, makakatulong ng malaki ang RH Bill dahil tutukan nito ang edukasyon kung paano magagamit ang mga moderno at tradisyunal na paraan kung paano magpaplano ng pamilya.

Pero bakit ito tinututulan ng Iglesiya Katoliko?

Theological ang dahilan ng pagtutol ng mga katoliko sa RH Bill. Para sa kanila, nagsisimula ang buhay sa fertilization. At kapag ikaw ay pumasok sa akto ng pagbuo ng buhay o ng sex at gumamit ka ng mga pamamaraan upang hindi mabuo ang bata, ito ay maituturing na abortion.

Pero ang tanong ay paano kung hindi ka Katoliko at gusto mong planuhin ang pamilya mo sa pamamagitan ng modernong pamamaraan? Yari ka dahil wala pang batas na nagsasabing dapat ay tulungan ka ng pamahalaan para magplano ng pamilya.

Sana ay makita ng mga mambabatas sa ating bansa na hindi puro katoliko ang tao sa Pilipinas.

May mga hindi Kristiyano bagkus Islam ang paniniwala. Mayroon namang hindi talaga naniniwala sa Diyos. At mismong sa Kristiyanismo, mayroong mga taliwas sa theology at doktrina ng Iglesia Katoliko. May mga home grown churches pa nga tulad ng Iglesia ni Kristo.

Pero ang malinaw, hindi lahat ng ito ay sang-ayon sa Iglesia Kataliko.

Dahil dito, nais kong manawagan na suportahan natin ang ating mga mambabatas upang bumoto para sa 
RH Bill. Sulatan natin sila at ipahayag ang ating pagsuporta sa RH Bill. Kung alam mo ang email ng iyong kinatawan, mag-email ka at ipabatid ang iyong dahilan sa pagsuporta sa RH Bill.

Gawain din natin ito sa mga Senador. Kung may lobby ang mga Katoliko, mag-lobby rin tayo para sa RH Bill.

Hindi na ito labanan ng katoliko at hindi katoliko. Ito ay laban para sa pamilya Pilipino na naghahangad na makapagplano.



Kasalan


Nitong nakaraang weekend ay dumalo ako sa isang kasalan na ginanap sa Bacolod.

Maganda ang kasal maliban sa hindi ko maintindihang dahilan kung bakit minabuti ng pastor na nagbasbas sa kasalan na gamitin ang banyagang wikang English. Siguro'y mas kampante siyang magsalita ng English kaysa sa Pilipino. Anuman ang dahilan niya sa tingin ko ay mas naging maganda ang kasalan kung mga sariling wika ng mga ikinasal ang ginamit.

Hindi ako umaangal dahil sa hindi ako nakakaintindi ng English kungdi sa ganang akin, mas naramdaman sana ng mga dumalo at ng ikinasal kung sa sariling wika nating mga Pilipino idinaos ang kasalan.

Dahil taga-Bacolod ang lalaking ikinasal, sa tingin ko ay mas naipahatid niya ang nasa kaibuturan ng kanyang puso kung ang ginamit niyang wika ay Ilonggo.

At ang babaeng ikinasal ay gumamit ng wikang Pilipino upang mas nasabi niya ang nilalaman ng kanyang puso.

Sa totoo lang, naniniwala akong wala namang pinipiling wika nag pag-ibig. Pero may pinipiling wika ang paghahatid nito na hindi man natin maintindihan ay ating mauunawaan dahil nagmumula ito sa puso ng mga ikinakasal o ng mga nag-iibigan.

Sa kabuuan, maganda ang naging kasalan. Pero mas nagustuhan ko ang post-nuptial ceremony.

Dahil sa pagkakataong iyon ay mas madadama mo ang totoong aspirasyon ng mga ikinasal at ng mga kapamilya at kaibigan nila dahil naipahatid nila ang kanilang mga damdamin gamit ang sariling wika.

Kay sarap pakinggan ng wikang Ilonggo, lalo ang malumanay na punto, kaya't ako'y lubusang nasiyahan at maging ang mga bisita ng mag-asawa.

Para kay Mayk at Chie, isang bagsak sa inyong mahabang pagsasama!!! Mabuhay kayo, mabuhay ang pag-ibig!

Wednesday, January 26, 2011

Inspirasyon



Naghahanap ako ng inspirasyon upang may maisulat sa blog na ito. Ngunit kaysa inspirasyon ay perspiration ang dumating.

Tumulo ang pawis ko kakaisip. Ngayon ko lang nalamang nakakapawis din palang mag-isip.

Puwede ko na kayang ipalit ang pag-iisip sa aking pagtakbo upang magpapawis?

Pero kung puro pag-iisip ang aking gagawain upang magpapawis, mapapagod din kaya ang aking isip?

Magkaka-muscle rin ba ang aking utak kung wala akong gagawain kung hindi mag-isip?



Wala lang naisip ko lang.

Habang iniisip ko ito ay may tumulong pawis sa aking noo, dahan-dahan nitong binagtas ang aking ilong at hinayaan kong dumaloy sa aking mga labi.

Ang alat! Sabi ng isip ko.

Ganito rin ba kaalat ang pawis ng ibang tao? Bakit kapag minamalas ay sinasabing inaaalat? At bakit alat ang tawag sa mga pulis. Itinuturing ba silang pampawis?

French tennis star Alize Cornet


Ganito rin ba ang pawis ni Jessica Simpson o kaya'y ni Alize Cornet, ang napakagandang tennis player at pinakabagong crush ng inyong lingkod.

Siguro'y iniisip ninyo kung saan mapupunta ang blog na ito.

Wala. La nga eh.




Monday, January 24, 2011

Leftist

Ayon sa paliwanag ng Wikepedia (http://en.wikipedia.org/wiki/Left-wing_politics ), ang salitang left, left-wing at leftist ay ang bansag sa mga naglalayon ng pagbabago sa lipunan.

Idinagdag pa ng may akda na nagsimulang gamitin ang left at right noong French Revolution na ang tinutukoy ay ang seating arrangement ng Estates General. Ang mga nakaupo sa kalaiwa ay ang mga naghahangad ng pagbabago o yong nais bumuo ng French Republic.

Sa pagdaan ng panahon, ang moniker o ang bansag na leftist ay ginamit para sa mga socialist, anarchist at communist. Sa Europe binansagan ding leftist ang mga social democrats at social liberals.

Dito sa Pilipinas, kapag sinabing leftist ang pumapasok sa isipan ng mga tao ay ang mga komunista na pinamumunuan ni Joma Sison. Kasama rito ang Communist Party of the Philippines, New People's Army at ang mga katulad nilang mag-isip na hindi ko na babanggitin sa blog na ito. Kung tutuusin nga ay hindi na sila leftist kasi may pakiwari akong ayaw nilang magbago ang sitwasyon ng Pilipinas upang magkaroon lamang sila ng dahilan upang manatiling "nagre-rebolusyon."



Pero kung nanamnamin ang ibig sabihin ng leftist, makikitang hindi lamang ang komunista ang leftist sa Pilipinas. Kung ang definition ng pagiging leftist ay ang paghahangad ng pagbabago, puwede kong sabihing leftist ang FASAP dahil gusto nila ng pagbabago sa sitwasyon ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Leftist si Gen. Danilo Lim kasi naghangad siya ng pagbabago. Leftist si Risa Hontiveros dahil patuloy siyang naghahangad ng pagbabago.

Kahit paano'y puwedeng tawaging leftist si PNoy dahil ayaw niyang manatili ang kultura ng corruption sa bansa.

Leftist ang mga manggagawa sa LWUA dahil ayaw nilang manatili ang pamamahala ni Prospero Pichay.

Kasama sa mga tinaguriang leftist ang mga grupo, indibidwal, politiko, istudyante, magsasaka at manggagawa na naghahangad ng pagbabago sa umiiral na sistemang pulitikal.

Kung ang mga naghahangad ng pagbabago ay leftist, maaaring kasama rito ang ilang sundalo at police, maliban siguro kay trillanes, na humingi na ng amnesty.

Kasama siyempre rito ang ilang kongresista at mga tao sa executive branch na ang nais ay magkaroon ng pagbabago sa sistemang daang taon ng umiiral sa Pilipinas.

Kung ito ang defenition ng pagigng leftist, hindi ako mahihiyang matawag na leftist bagamat hindi ako kaliwete.

Wala lang. naisip ko lang.

Saturday, January 22, 2011

Blogger Buzz: Safe Browsing on Blogger

Blogger Buzz: Safe Browsing on Blogger: "National Cyber-Security Awareness Month is here once again. In that spirit we wanted to share a bit about what we are doing on Blogger to he..."

Weekend

Isa sa mga pinahihintay na araw sa loob ng isang linggo ay ang weekend, lalo na kung matatapat ang sweldo ng Biyernes.

Siyempre, iba't ibang gimik ang mga tao. Karamihan kapag weekend ay kumakain at siyempre, tomotoma. Mayroon namang nagsa-shopping. At sa ilan ay nagpapahinga.

Kung ikaw ay relihiyoso, siyempre ang weekend ay paghahanda para sa pagsamba. Sa mga weekend warriors, ang araw na ito ay ginagamit upang mapangahas bisekletahin ang Antipolo, Tagaytay o kaya ay umakyat sa iba't ibang bundok na makikita rito sa bansa. Sa ilan na ang pagtakbo ang addiction, ang weekend ay ginagamit upang sumali sa mga races na halos linggo-linggo ay idinadaos kungdi man sa Taguig Global City ay sa University of the Philippines o kaya ay sa Mall of Asia.

Ang weekend ay panahon upang muling makapagpalakas matapos ang labanan sa ating mga workplace, mga negosyo at iba pang pinagkakaabalahan.

Pero ang pinakagusto ko sa weekend, lalo sa Sabado ay ang pagtulog.

Kay sarap matulog, lalo ngayong medyo malamig pa ang panahon. Yong tipong gigising ka ng sikat na sikat na ang araw. Yong tulog na wala kang iniisip na meeting, deadlines, trabahong bahay o kaya ay lakad para iba't ibang bagay. Yong tulog na wala kang iniisip pagkagising kungdi magkape, kumain ng paborito mong agahan at manood ng ESPN o kaya'y Star Sports.

Ito yong tulog na hindi nakakapagod. Sa aking karanasa kasi, may mga tulog na tila pampalipas lang ng oras at pagbangon mo ay tila pagod ka pa rin.

Sabi nga ni John Gokongwei, ang pagtulog daw ang isa sa mga pinakamahalagang regalo na ibinigay sa atin ng kalikasan.

Happy sleeping . . .enjoy your weekend.



None is for sure, None is forever

Friday, January 21, 2011

trabaho o sweldo?

Naikuwento sa akin ng isang kasama ang tanong ng isang negosyanteng Intsik sa mga unyonista, "Dati sabi nyo kailangan n'yo ay trabaho, ngayon may trabaho na kayo, bakit gusto pa ninyo malaki s'weldo?"

Naalala ko ito dahil nagtext sa akin ang isang poker buddy na naghahanap ng trabaho dito sa Pilipinas. Maganda naman ang laman ng kanyang resume. Nagtapos sa isang pangunahing unibersidad sa bansa, may mahabang karanasan sa pagtatrabaho hindi lamang dito sa Pilipinas kungdi maging sa ibang panig ng mundo. Ibig sabihin, hindi lamang siya edukado kungdi ekspersiyensado.

Kaso ang alok daw sa kanya ay P15k lamang kada buwan na suweldo.Kaltasin ang 10% tax at ang sweldo ay P13.5k na lamang. Babawasin pa sa sweldong ito ang contribution sa SSS, Pag-ibig at Philhealth at tuluyang wala pa sa P6,000 kada buwan ang take-home pay niya.

Siyempre, bago ka makarating sa iyong work place ay gagastos ka sa pamasahe. Idagdag pa rito ang gastos mo sa pagkain habang nasa lugar ng pinagtatrabahuhan.

Samakatuwid, mas ipinagtatrabaho pa natin ang ating mga kumpnaya kaysa sa ating mga pamilya kung ganito ang kalakaran.

Kaya't ang naitanong ko sa kanya ay "Ano ba ang gusto mo, magkatrabaho o magkasuweldo?"

Dito kasi sa Pilipinas ay magkaiba ito. Huwag kang umasang may trabaho kay ay may maayos kang sweldo. At kung ang employer mo ay ang pamahalaan, minsan ay may sweldo kahit walang trabaho.

Ayon sa National Statistics Office, ang kasalukuyang poverty threshold ay mahigit P17,000 para sa pamilyang binubuo ng apat na katao. Dahil dito, masasabing lalagpak sa ilalim ng poverty threshold ang aking kaibigan.

Kaya't ang sabi ko sa kanya ay konting tiyaga, parang poker lang yan, hintay-hintay lang upang makasahod ng malaking  pot.

'Wag muna all-in. Siguraduhin ang hawak na baraho bago mag-call.

At kung kailangang mag-fold ay mag-fold upang hindi mabawasan ang buy-in chips.

Wala lang, ganiyan talaga ang buhay, parang poker.




Tuesday, January 18, 2011

Vamos Rafa


Hindi maikakaila na isa si Rafael Nadal ng Espanya sa mga paboritong magwagi sa 2011 Australian Open.

Pero kung si Rafa ang tatanungin, ayaw niyang isipin na makapagtatala siya ng apat na sunod na Grandslam victory.

"But I never think about winning the four Grand Slams in a row because that's very far right now," wika ni Rafa sa post-game interview niya makaraang makarating sa second round ng Aussie Open.

Nangayaw sa laro ang first round opponent ni Rafa na si Marcos Daniel sa second set sanhi ng injury.

Bagamat hindi iniisip ng Espanyol ang tinaguriang Rafa Slam, tuwang-tuwa ang mga fans ni Rafa sa pangyayari dahil hindi siya halos pinawisan para makapasok sa susunod na round.

Ngunit ang nasa isip ni Rafa ay mainapanalo lamang ang bawat puntos sa laban upang magwagi.

"I am a professional and I try my best in every point," punto ni Nadal.

Alam ni Rafa ang sakit ng pag-ayaw sa laban dahil nangayaw rin siya sanhi ng injury nang makaharap si Andy Murray sa quarterfinals ng torneo nitong nakaraang taon. Masakit ito para kay Nadal dahil siya ang defending champion sa torneo.

At dahil doon, hindi siya nakapagtala ng Grandslam win.

Ngayong taon, kung hindi ma-i-injure si Rafa, malaki ang tsansa niyang makopo ang Grandslam win, na hindi pa rin natitikman maging ni Roger Federer, ang inginungusong pinakamagaling at pamosong manlalaro sa buong mundo.

Tanging ang career grandslam o pagwawagi sa Australian Open, US Open, French Open at Wimbledon ang naitala ni Roger. Pero isang malayong pangarap pa rin kay Roger ang magwagi ng sunod-sunod sa mga nabanggit na torneo.

Ang dahilan nito ay mahina si Roger sa clay court na siyang pinaglalaruan sa France samantalang itinuturing namang teritoryo ni Nadal ang French Open kaya't nabansagan siyang "King of Clay." Maliban sa mga panalo niya sa Grandslam tournaments, nagwagi rin ng gintong medalya si Nadal sa 2008 Olympics na idinaos sa China.

Para sa isang 24 anyos na manlalaro, hindi maitatatwa na pambihirang panalo ang maitatala ni Rafa sakaling magwagi ngayong taon sa Australia dahil dalawang tao pa lamang sa kasaysayan ng tennis ang nakakagawa nito, si Don Budge noong 1938 at si Rod Laver noong 1962 at 1969.

Ganito kabihira ang pambihirang grandslam win. Tila ulan ito sa panahon ng El Nino.

Vamos Rafa, wag mo biguin at iwanang luhaan ang mga fans mo na naghihintay na makitang makakapagtala ka ng kasaysayan.

Pero kung hindi magwagi si Rafa, sa tingin ko ay  ayos lamang para sa Espanyol.

Aniya: "Seriously, the most positive thing that's talking about that is because I won the last three. The rest of the things doesn't matter, because I know how difficult is every tournament. I am not ready to think if I am ready to win this tournament or not right now."

Kung ating babasahin mabuti ang pakahulugan ni Rafa ay sinasabi niyang, wala lang. Laro lang. Trabaho lang, No?











Monday, January 17, 2011

Coronang Tinik

Mabuti na lang at engineer ang erpat ko at hindi justice sa Supreme Court!!!

Habang umuusad kasi ang panahon ay unti-unting nagiging pabigat ang Mataas na Hukuman para sa taumbayan.

Kaysa kasi makatulong ang tropa ni Chief Justice Reynato Corona para masawata ang korapsyon sa bansa ay tila binabasbasan pa ng mga ito ang patuloy na pagmamalabis sa bansa. Huwag nating kalimutang ang tropa ni Corona ang nagpawalang bisa sa Executive Order No. 1 na bumubuo sa Truth Commission na sana'y mag-iimbestiga sa pagmamalabis ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.



Malinaw na Coronang tinik na ipinataw sa ulo ng taumbayan ang nagiging papel ng Mataas na Hukom.

Isang halimbawa pa nito ay ang status quo ante order na ipinalabas ng Mataas na Hukom ukol sa impeachment case na idinulog ni Risa Hontiveros at mga kasama niya. Si Hontiveros ay dating kinatawan ng Akbayan Party sa Kongreso.

Inutusan ng Supreme Court ang Committee on Justice ng Kongreso na itigil ang impeachment proceeding.

At suntok man sa buwan, naghain ng motion to immediately resolve ang abogado ni Risa at mga kasamahang sina Gen. Danny Lim at mga magulang ni Philip Pestano, ang navy officer na misteryosong namatay ilang taon na nakakaraan nang kanyang ibunyag ang katiwalian sa Philippine Navy.

"Taon ng Rabbit ngayon, at hindi taon ng pagong kaya ang inaasahan namin ay ang matuling desisyon mula sa Korte Suprema," wika ni Risa.

May punto naman si Risa dahil nga ang usapin na idinulog ni Merceditas Gutierrez sa Korte Suprema na naging basehan upang ipatigil ang impeachment case na dinudulog ng Mababang Kapulungan.

At habang tumatagal ang usaping ito ay lumalalim ang pagkakatusok ng mga Coronang Tinik sa ulo ng Sambayanang Pilipino.

Hihintayin pa ba ng Korte Suprema na mapako sa Krus ang mamamayang Pilipino bago umakto?

Wednesday, January 12, 2011

Anomalya

Tulad sa mga nangyayari sa ilang ahensiya ng pamahalaan, may "anomalyang" natagpuan ang mga doktor matapos ang aking basic executive check up sa National Kidney and Transplant Institute kamakailan.

Ayon sa resulta ng mga aking laboratory tests, lahat ay naaayon naman sa edad ko maliban sa aking ihi na nakitaan ng dugo. 

"Except for this microscopic blood found in your urine everything is in order. We consider this as an anomaly, dahil walang makita sa resulta to point why there is such bleeding," paliwanag ng doktor na nagpaliwanag sa aking urine test.

"Hindi makikita sa urine mo ito, dahil microscopic ito. Take another test after a month," utos ng doktor.

Nag-isip tuloy ako. Natural ba ang ganitong anomalya? Kung natural ito, ano ang kalalabasan nito sa hinaharap? Gaano karaming tao sa buong mundo na katulad kong may anomalyang ganito?

Si Ombudsman Merceditas Gutierrez ba ay nakakaranas din nag ganitong anomalya maliban sa mga kuwestiyonableng desisyon na inilabas ng kanyang ahensiya tulad ng plea bargain agreement kay dishonorably discharged Maj. Gen. Carlos Garcia at sa pagpanig ni Gutierrez kay Prospera Pichay, na hindi napatawan ng preventive suspension habang iniimbestigahan ang P480 milyong umano'y pinambili at ginugol para sa Express Savings Bank, Inc.

Sina Maj. Gen. Garcia at Pichay ba ay may ganito ring anomalya maliban sa mga nasangkutan nilang anomalya?

Ganito rin ba ang dating Pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo, na sa dami ng anomalya ng kaniyang pamahalaan ay itinuturing na ngayong icon ng korapsyon?

Nag-isip tuloy ako. Natural ba ang ganitong anomalya sa pamahalaan? Kung natural ito, ano ang kalalabasan nito sa hinaharap ng bansa? Gaano karaming tao sa buong mundo na katulad nina Garcia, anomalyang ganito?

Wala lang, naisip ko lang.







Monday, January 10, 2011

Merci





Tama si Akbayan Party spokersperson Risa Hontiveros, dapat ay mapalitan na si Ombudsman Merceditas Gutierrez.


Itinulad ng dating kinatawan ng Akbayan si Merci sa isang napakabagal na pagong ang Ombudsman dahil sa napakabagal nitong pag-aksyon sa mga kasong tulad ng kahinahinalang pagkamatay ni Philippine Navy Ensign Philip Andrew Pestaño noong Sept. 27, 1995.

Pagkatapos ng napakabagal na imbestigasyong umabot ng limang taon, pinawalang sala ni Merci ang mga nasasakdal bagamat ang konklusyon ng Senado sa isinagawa nitong sariling imbestigasyon na pinatay si Philip.

Pero hindi ako naniniwalang tumpak na sabihing malapagong kumilos si Merci.

Katunayan, matuling tulad ng isang rabbit si Merci kung ang iaabsuwelto at poprotektahan ay ang mga katulad niyang die-hard supporter ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.


Isa sa magandang halimbawa nito ay kung paano niya pinrotektahan si Maj. Gen. Carlos Garcia, na tinugis dahil sa pandarambong ng P300 milyon sa kaban ng Armed Forces of the Philippines noong siya ay comptroller pa sandatahang lakas ng Pilipinas.


Basta kakosa niya at ni GMA, siguraduhing matulin pa sa rabbit na ipagtatanggol sa pamamagitan ng pag-absuwelto o kaya'y sa ibang kapamaraanan ang mga nahaharap sa kaso.

Sabi nga nila, kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan.

Narito naman ang Letter to the Editor ni Risa Hontiveros na inilimbag ng Inquirer.net sa kanilang website at sa diyaryo na lumabas nitong Enero 10, 2011.



Outing a crooked Ombudsman


Philippine Daily Inquirer
http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/letterstotheeditor/view/20110110-313610/Outing-a-crooked-Ombudsman
LIKE MANY people, I welcome the new year with much hope and passion. As I did last year which gave us ample opportunities to effect change, I look forward to this Year of the Rabbit to provide us with more avenues and possibilities to bring to fruition our clamor for meaningful reforms.
However, several old and horrible problems continue to badger us. One of these is the current Ombudsman, notorious for her exceptional turtle-paced conduct in prosecuting corrupt public officials and dispensing justice.
Proof of this is her inexcusable delay in conducting and concluding the investigation into the death of Philippine Navy Ensign Philip Andrew Pestaño on Sept. 27, 1995. After five years, the Ombudsman dismissed the Pestaño case, citing “lack of evidence,” even though a 1997 Senate investigation concluded that the Navy ensign was murdered. The Ombudsman’s decision was promulgated in June 2009, but it was received by the Pestaño family only in July 2010.
This turtle-paced behavior can also be seen in the low conviction rate that has resulted in the slow dispensation, if not out-and-out denial, of justice. A Sandiganbayan report showed that the Ombudsman lost nearly nine out of every 10 cases it filed in the first four months of 2010. It also said the Ombudsman scored eight convictions in 62 cases disposed of by the Sandiganbayan from January to April 2010, for a conviction rate of 12.9 percent.
Yet, while her office is sluggish in its performance to rid government of erring individuals, it is quick and prompt to protect the obviously corrupt. We are all witnesses to how the Ombudsman was used to obstruct initiatives to make Gloria Macagapal-Arroyo, her family and cronies accountable for their transgressions against the people. Take the case of retired Maj. Gen. Carlos Garcia, a known Arroyo ally accused of plunder, who was recently offered by the Ombudsman a lopsided plea bargain deal grossly disadvantageous to government.
This must not go on any further. A crooked Ombudsman has no place in the Year of the Rabbit. The rabbit represents quickness, energy and enthusiasm. In contrast, the current Ombudsman is nothing but a sad picture of sluggishness, incompetence and unfairness.
She and her protectors might say that the turtle won the race against the rabbit in a well-known fable; but may I remind them that the turtle won because of hard work and perseverance. Sadly, based on her own track record, the Ombudsman extremely lacks these values.
Hence, as we welcome the new year, I enjoin the public to renew our initiative to cleanse the government of people who serve as obstacles to reforms and change. Likewise, I hope the Aquino administration will remain steadfast in meeting the challenge of removing the incumbent Ombudsman from public service and in reforming the Office of the Ombudsman.
This year must see the appointment of a new Ombudsman.

—RISA HONTIVEROS,
spokesperson,
Akbayan Party,
36-B Madasalin St.,
Sikatuna Village,
Quezon City

Friday, January 7, 2011

Erpat

Birthday kahapon ng yumaong erpat ko.

Sa totoo lang maraming pagkakataon na naiisip kong sana kasama pa namin si Erpat ngayon. Medyo makasarili ang dahilan ko dahil ang miss na miss ko ang suportang ibinibay niya sa akin mula noong bata ako hanggang sa nagka-anak.

Bininyagang Mario Bautista Legaspi, ipinanganak si Erpat sa Malolos, Bulacan, na ngayon ay isa ng syudad., pero mas kilala siya noong nagkaeda bilang Papa Mar. Lahat ng kaibigan ng pamilya, kamag-anak at katropa ko ay Papa Mar ang tawag sa kanya, siguro dahil sa kanyang pagiging father figure hindi lamang sa hitsura kungdi maging sa mga aksyon.

Hindi ko malilimutan ang sinabi niya sa akin noong nabatid ng pamilya na isa akong tibak, "Siguraduhin mo lang na kaya mong labasan ang pinasok mo."

Ang hindi lang niya siguro naisip ay ang pagiging tibak ay buhay at wala na itong labasan. Oo may mga kasama ako sa kilusan na lay low na sa buhay aktibismo subalit patuloy na sumusuporta sa mga mithiin nito sa kanilang personal na pamamaraan. Maging noong hindi ako kumikilos ay nagamit ko bilang batayang prinsipyo ang TPP o ang Tunay na Pagpapakatao.

Balik tayo kay erpat.

Hindi niya ako pinagbawalan sa aking pagiging tibak. Bagkus patuloy pa nga niya akong sinuportahan. Ngayon ko naisip na maaaring bumilib pa si erpat sa akin dahil biniyahe ko ang anila'y landas na bihirang tinatahak.

Sa totoo lang hindi naman kami masyadong close ni erpat, pero ang natatandaan ko ay lahat ng naging desisyon ko ay iginalang niya. Hindi lang ang aking desisyon kungdi maging sa mga kapatid ko. Ganun siguro ang ulirang ama o magulang. Hindi nila aawatin ang kanilang mga anak na sundin ang kanilang saloobin.

Ang maganda pa kay erpat kahit paminsanminsan ay palpak ang mga desisyon ko, sinasalo niya ako.

Isang bagsak sa yo, Papa Mar.

Thursday, January 6, 2011

goals

Nakakuwentuhan ko ang isang kasama kaninang umaga habang nagkakape at nag-i-scan ng diyaryo. Pumasok sa usapan ang tungkol sa pera. Tinatanong niya kung saan maganda mag-invest, sa money market o sa time deposit.

Ang sabi ko sa kanya ay kung ako ang tatanungin, depende ito sa laki ng iyong pera at sa lakas ng iyong loob. Kung medyo konserbatibo ka ay siyempre ilalagak mo ang salaping naipon sa time deposit dahil maliit lamang ang risk dito. At kung may mas malaki siyang pera ay nasambit kong ilagak niya ito sa treasury bills, dahil halos walang risk kase nga ay gobyerno ang guarantor nito.


Pero kung malakas ang loob niya at nais niyang isugal ang kanyang pera sa mas malaking kita, i-invest niya ito sa money market.

Naisip ko tuloy na ang goal niya sa taong ito ay umakit ng pera o kaya'y palakihin kahit konti ang naipong salapi.

Napaisip din niya ako. Ano ba ang goal ko sa taong ito? Lahat tayo ay may mga goals na nais maabot sa loob ng isang time frame na itinakda natin. May mga goals tayo na personal, pampamilya, pang-negosyo o pang-organisasyon.



Nitong nakaraang taon ay naabot ko ang personal goal na makatapos, oo makatapos lamang at hindi makapagtala ng podium finish, sa 21-kilometer race. Pinaghandaan ko ang pagtakbo. Mayroon akong programa na sinunod upang maihanda ang aking katawan at isip para sa karera.

At bagamat natapos ko ang karera, na siya namang goal ko talaga, hindi ako masaya sa oras o tulin kung paano ko ito natapos. Sa mga beterano, maaaring madali lamang takbuhin ang pataas at pababang ruta na itinakda ng organizer sa 2nd Quezon City International Marathon. Pero para sa isang tumatandang tulad ko na ang hangarin ay fitness at hindi podium finish, naging mahirap para sa akin ang ruta.

Sa kabila nito, nakamit ko ang aking personal goal.

Ngayong taon, ang target ko ay makatapos ng full marathon o 42-km race.

Hindi ko alam kung magagawa ko ito.

Lagi ko na lamang isinasaisip ang katagang "It is not how you finish but how you train."

Sa isang long-distance race kasi ay hindi lamang pampisikal na lakas ang iyong kailangan kungdi mental toughness din.

Dahil napakalaki ng hinihingi sa isang mananakbo ng full marathon, hindi pinapayagan ng mga coaches na tumakbo ang kanilang manlalaro ng higit sa isang marahon sa loob ng tatlo o apat na buwan. Kasi nga ay maliban sa training ay mahalaga rin ang recovery period upang hindi maupos nang husto ang mananakbo.

Ang tanong ay kakayanin ko ba ang full marathon?

Hindi ko alam, pero aking susubukan. Sabi ng ang Linkin Park, "in the end it doesn't really matter." Na kung ita-translate sa Filipino ay "sa huli, wala lang."

Wednesday, January 5, 2011

Tattoo

 


Isa sa mga pangarap ko ay makapagpa-tattoo. Pero naiisip ko pa lamang ang sakit ay napapa-aray na ako at naglalaho ang anumang pagnanasa na mapintahan ang aking baraso o dibdib.

Kaya bilib ako kay Blenda, ang admin officer ng Akbayan Party, na dalawang beses nagpa-tattoo sa kanyang kanang binti. Geisha ang kanyang ipina-tattoo at dalawang  sessions ito bago natapos. Una ay ang larawan ng geisha at ang sumunod ay ang background.

Ibig sabihin nito ay dalawang masasakit na sessions ang kanyang tiniis upang makumpleto ang kanyang makulay na tattoo sa binti.

Hindi ko maisip kung ano ang dahilan kung bakit siya nagpa-tattoo kungdi ang mamarkahan ang kanyang sa tingin ko naman ay perpektong mga binti. Pero sabi nga ng eksperto, ang kagandahan ang nagmumula hindi sa perfection ng isang bagay kungdi doon sa mga mantsa na maaaring makasira sa perfection.

Dahil dito, kumbinsido ako na mas naging perfect ang binti ni Blenda.

Saludo ako sa iyo Bossing, Isa kang TNL!!! 



bakit?

Matagal ko nang nagawa ang blog page na ito pero tanging isang picture lamang ang aking naipost.

Naisip ko kamakailan na kaysa maglaro ako ng poker, mafia wars at iba't iba pang games, bakit hindi ko gamitin ang oras na sa wari ng iba'y hindi nasasayang sa pagsusulat ng blog.

Natatakot ako dati na simulan ang blog kasi ay baka maubusan ako ng isusulat.

Pero naisip ko naman na tumpak ang titulo ng blog sa takot na namumutawi sa isip ko. Wala lang...so kahit wala akong  maisulatt ayos pa rin, kasi nga ay wala lang...la nga eh.